“Minsan akala natin problema, pero yun pa magdadala ng swerte sa inyo...”
Muntik na ko maiyak nung nabasa ko tong text na ‘to galing sa kapatid niya. Sa text na ‘to ako natauhan at nagkalakas ng loob. Nabuo yung loob kong, wala na talaga atrasan ‘to. Na kailangan ituloy na namin ‘to.
May 6, 2011, Friday. Sinabi ko sa sarili ko, ito ang araw kung kelan ipagtatapat ko na sa magulang ko ang lahat. Ayoko na itago. Hindi ko na maitatago. At ayoko nang mag-alala pa ang magulang ni Jong dahil alam
kong naiipit din sila. Na baka isipin ng magulang kong kinukunsinti nila ko.
May 5 na. Nagkita kita kami nina Dianne at Abi at naisipan pumunta sa Festival Mall. Ito kasing si Dianne gusto magpamake over. Gora kami ng bandang mga 3. Nagmeryenda, umupo at tiningnan si Dianne habang nagpapakulay ng buhok at nagpapa bago ng hair style J Mga 6 pm, halos pauwi na din kami nun, nang biglang sumakit yung chan ko. Yung para bang may iniipit sa loob? Pinagpawisan ako ng malubha at hindi ko alam kung anong pwesto ang gagawin ko. Sa takot ko na baka may mangyari, “sa amin”, nagpadala na ko sa pinakmalapit na Clinic sa loob ng mall. Kabag lang daw, baka nagcocontract lang ako. Pinainom ako ng gamot. Pero masakit pa din. Ang advise ng doctor, magpadala na ko sa ER, sa ospital talaga. Hayy. Sige na
nga sabi ko, masakit talaga, at natatakot ako.
Sabi ko kina Dianne at Abi, ngayon ko na sasabihin. Pero, sila na lang ang magsabi. Mas mabuti na siguro yun. Sabi nga ni Father Ernie, kahit sa anong paraan nila malaman, masasaktan at masasaktan pa din naman sila. Pagdating namin sa ER, tinext nila si mama.
Dianne: “Tita, padala naman po ng card ni Tel dito sa Evangelista. Dinala po namin siya kasi sumasakit yung tiyan niya.”
Makalipas ang 20-30 mins siguro, si papa ang dumating. Hindi ko nakita ang pangyayari kasi nasa labas lang sila ng ospital at ako, nasa ER.
Papa: “Oh, bakit? Anung nangyari?”
May konting pabiro ang tono niya at hindi nagpapanic. Madalas naman kasi ako dalhin sa ospital ng sumasakit ang tiyan ko dahil sa ulcer ko. Pero, iba na ‘to eh :/
Dianne: “Tito, kaya po sumasakit yung tiyan ni Tel, kasi po.. Buntis po siya.”
Nagbago daw bigla ang mukha ni papa. Hindi siya nakapagsalita. Tumalikod siya, naglakad palayo at umupo kung saan. Umiiyak. Pumasok ulit sila, hindi pa din nila nakuha yung card kaya nung sinabi nila sa akin na nasabi na nila, wala rin akong nasabi kundi, kunin niyo na muna yung card. Maiiyak lang ako pag nagsalita pa ako ng tungkol kay papa o kapag mas naisip ko pa ang reaksyon niya. Pagkakuha nila ng card, maya maya pa’y nawala na siya. Umalis na. Hindi ako pinuntahan, sinilip o kinamusta.
Panay ang text ko kay Jong. Pakiramdam ko kasi mag-isa ko. Gusto ko lang na basta kinakausap niya ko. Yung alam kong nandyan siya kahit malayo. Tinawagan din ako ni Father, at kinamusta ako. “Give him time to mourn. ‘Wag mo muna siya lapitan o kausapin.” Naiyak ako. Pero pigil na pigil. Lalo na nung si Jong naman ang tumawag saken. “Kaya naten to beb ha? Andito lang ako. Wag ka na muna masyado magisip kasi makakasama kay baby. Magiging okay din ang lahat. Atleast nasabi mo na.” Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng lakas para makauwi ng bahay at harapin sila. Naisip ko rin nung mga oras na yun na sana may mangyari na lang masama sakin. (Sorry, Ading) Alam kong di siya matutuwa pag nalaman niya naiisip ko yung mga ganung bagay.
Nag-ring ang phone ko.
Mama: “Ano? Matagal ka pa ba dyan?”
Ako: “Hindi ko po alam, iniintay na lang yung results ata ng urinalysis.”
Mama: “Bilisan mo diyan. Umuwi ka na agad. Pauwiin mo yung dalawa.”
Ako: “Opo.”
Walang halong pag-aalala ang tono niya. Pigil na galit lang. Yun ang pakiramdam ko sa boses niya. Hindi ako natakot umuwi. Ineexpect ko na lahat ng worst eh. Lahat ng gagawin nila saken. Isa lang ang ikinatakot ko, saktan ako at may mangyari sa baby ko.
...Pag uwi ko..
Mama: “Umakyat ka sa taas.” Yun ang bungad niya pagpasok ko sa pinto.
Siguro mag e-eleven o’clock na ng gabi nun. Siya lang ang nagsalita buong gabi at ni hindi man lang tumingin si papa saken kahit nandun din siya sa kwarto. Umiiyak ako, umiiyak din si mama habang sinasabi niya ang mga ineexpect kong masasakit na salita na pwedeng manggaling sa kanila. Pero nung mga oras na yun, kahit handa ako sa mga masasakit na salitang yun, sobrang sakit pa din pala. Yung parang nabibigla pa din ako sa mga sinasabi niya kasi parang buong buhay ko, hindi ko yun narinig sa kanila kahit sa pabirong paraan. Buong buhay ko, hindi ko inisip na masasabi sakin yun saken ng magulang ko o ng kahit sinong mahal ko sa buhay. Habang naririnig ko ang mga salitang yun, nadudurog ako. Sa unang pagkakataon, yung sakit na nararamdaman ko ay hindi lang dahil totoo ang mga sinasabi nila sakin, o dahil alam kong nagkamali ako, kundi, pinakamasakit na naiisip ko kung gaano kabigat at kasama ang loob nila sa akin nung mga oras na yun na parang sana namatay na lang ako kesa yung ramdam na ramdam ko kung gaano kasakit ang ginawa ko sa kanila.
Hinding hindi niya daw aalagaan ang anak ko. Ipaparamdam niya daw saken yung hirap. Hirap ng pagiging isang magulang. Gawin ko daw lahat ng dapat ako ang gumagawa. Hindi niya ako tutulungan sa problema kong ‘to. Ako na daw ang maglaba ng lahat ng damit ko. Ako na din magplancha ng mga dapat ipapaplancha ko. Ako ang maghanda ng kakainin ko. Hindi niya daw akalain na bigla siyang magkakaanak ng disgrasyada. Lahat ng kaya nila ibigay, ibinigay na nila saken. Hindi pa daw ba sapat saken yun? Yung paghihirap ni papa. Lahat ng oras nila, para sa amin lang. Hindi naman daw sila nagkulang ng paalala saken tapos yun pa ang igaganti nila saken. Ang bobo ko daw. Nagpagamit ako sa lalakeng hindi ko pa naman asawa. Tiwalang tiwala ako kay John donn, pero iiwan din naman daw niya ko lalo na ngayon na may anak na ko. Ibinigay din nila ang tiwala nila kay John Donn tapos babastusin lang ako, sila.
Ang sakit na marinig kong, hindi niya ako tutulungan sa problema ko, at wag ako mag expect naa aalagaan niya ang anak ko. To think na, apo niya yun? Di ako makapaniwala na para bang, wala silang nakitang kahit kaunting positive sa batang dinadala ko. Na problema lang talaga ang bitbit nito. Ang sakit sakit dahil walang halong kahit kaunting pag aalala mula sa kanya tungkol sa kalagayan ko.
Alam kong ganun si mama. Madalas naiinis nga ako dati sa kanya kasi pag pinapagalitan niya ako sa mga pagkakamali ko, idinadamay pa niya ang ibang tao. Nakakahiya sa iba, bakit daw ako gagaya sa iba... Ganun din ngayon. Bakit kailangan pang banggitin niya ang ibang tao na hindi naman niya kilala talaga? May sama din ako ng loob kahit sabihin niyang, lahat ito ay kasalanan ko. Bakit kailangan niyang sabihin na ang mga salitang ganun na wala naman siiyang alam talaga.
“Akala ko napakabait mo. Akala ko nagiisip ka. Mabuti pa pala yung sina Dona, Reigne pati sina Anika at Shiela (mga di totoong pangalan). Mga malalandi tingnan pero tingnan mo, nag iisip sila. Hindi sila nagpapagamit.”
Nakakainis lang. Hindi naman niya alam ang storya ng mga babaeng yun. Malay nga ban amen kung ilang beses na nagpalaglag yung mga yun. Malay ba niyang, nakikipagsex din yung mga yun. Hindi naman niya alam eh. Ako,alam ko. Magaling sila umiwas. Kami na. Kami na ang hindi magaling sa proteksyon. Pero ayoko lang na ikumpara ko sa ibang tao na alam ko sa sarili kong, mas matino naman ang buhay ko.
Hindi na lang ako nagsalita. Nakikinig lang ako sa lahat ng sasabihin niya. Sasagot pag may tinatanong siya. Pero ang mga pagaassume niya sa buong storya ko, sige lang. Hindi ko na kinokontra dahil alam kong tama siya lahat. Kung paano niya ako hinusgahan, iniisip ko na lang na tama siya lahat kasi nabuntis ako eh, diba. Sino bang nagiisip na babae ang magkakaganun ng hindi pa kasal?
Alas Tres na siguro nung humiga ako at hindi ko na alam kung anong oras ako natulog. Ang sakit ng mata ko, ng ulo ko dahil sa kakaiyak. Bago ako matulog, nag usap pa kami ni Jong tungkol sa mga sinabi ni mama. Hindi ko na sinabi lahat dahil maiiyak lang ako. Kinomfort niya lang ako. Yun lang ang mahalaga saken, para kahit papano, alam kong hindi ako mag isa.
Alas Sais pa lang umalis na si papa. Si mama, umalis din ng maaga at hindi daw niya alam kung saan siya pupunta. Basta ayaw niya mag stay sa bahay. Umalis din ako. Nagkita kami nina Dianne at Abi tapos pumunta kami Crossing, para makipagkita kina Jong at sa parents niya.
Pagkita ko sa mama ni Jong, humagulgol ako at niyakap ko siya. Hindi ko napigilan ang sarili ko. (Naiiyak pa din ako pag naaala ko ang scene na yun) Naaawa ako sa sarili ko kaya napahagulgol ako. Iniisip kong, sila na lang ang malalapitan ko at tatanggap saken. Ang pamilya ni Jong, wala silang masasakit na salita na sinabi saken o kay Ading. Kahit na alam kong, masama din ang loob nila, o nagulat din sila, pero madali nila itong natanggap. Isa sila sa mga lakas ko kung bakit hindi ako natatakot na magiisa ako sa buhay. Alam kong hindi nila kami pababayaan ng anak ko.
Sinabi ko kay tita lahat ng sinabi ni mama. Habang humahagulgol ako sa kanya.
“Ganun talaga Tel. Babae ka eh. Kung kami rin naman ang magulang ng babae, magagalit din kami sa una. Initial reaction nila talaga ang magalit lalo na at mataas ang expectation nila sa’yo. Eh kung, hindi ka nila tutulungan, tayo tayo ang magtutulong. Pagtutulungan natin yan shempre. Responsibilidad yan ni Jong eh. At alam naman naming na hindi niyo pa kaya, kaya tutulungan naming kayo.”
Para kong nabunutan ng tinik nung narinig ko yung mga sinabi ni Tita. Masama siguro isipin na naaisip kong, sige kahit itakwil ako ng buong pamilya ko, alam kong may pupuntahan ako. Masama siguro dahil para bang wala na ko pakialam sa pamilya ko. Pero hindi ganun. Expected ko na kasi na kung sarili kong ina, ayaw alagaan ang anak ko, sino pa? Diba ako lang at pamilya ng ama ng baby ko.
May 6. Gabi na umuwi sina mama. May kasama. Sina Tito Carlito at Tito Mel. Kinausap ako ni Tito Carlito tungkol sa mga plano ko, plano naming ni Jong at ng magulang niya. Tinanong niya kung makikipagusap ba sila sa partido namin. Kung pwede daw daw ba sila makipagkita at makipag usap. Mahaba din ang usapan naming ni Tito at ang ending, tatawagan niya daw ako kung kalian at saan ang place na maguusap usap ang pamilya ko at pamilya ni Jong.
May 7. Ginising ako ng maaga ni mama.
“Papunta na dito sina tatay at inay. Maghanda ka. Humarap ka sa kanila.”
Tumulo ang luha ko naisip ko pa lang si inay. Kelan matatapos ang pag iyak ko? Naaawa na ko sa baby ko. Lagi kaming stress. Muntik pa kami mag away ni Jong bago dumating sina inay kasi gusto niya itext si mama na kung pwede wag naman ako biglain sa mga stress. Araw araw na lang kasi namumugto ang mata ko, araw araw kinakausap ako ng kung sino sino. Pero hindi naman pwedeng hindi ko sila harapin. Kaya sige lang. Naghintay ako hanggang dumating sila. Pagtawag sa akin at pagbaba ko, yumakap kaagad ako kay inay at humagulhol ng iyak. Unang sabi niya.. “Ano bang nangyari sa’yo apo ko???”
Putangina lang ang pagkakasabi. Parang mapipiraso ang puso ko sa bigat ng naramdaman ko dahil sa hinanakit saken ni inay. Para bang nauutal pa siya sa pagsasalita dahil umiiyak din siya habang walang tigil ang pagtatanong ng...
“Bakit ka ba nagkaganyan?”
“Ano bang pagkukulang ng magulang mo o naming sa iyo?”
“Hindi mo ba naisip ang ama mo? Ang hirap niya para sayo?”
Oo. Paulit ulit ang mga sinasabi nila. Ang mga tinatanong nila. Walang kasi sa kanila ang makapaniwala. Ikinuwento nila nung mga oras nay un ang mga reaksyon ng bawat isa. Ni tatay, ng mga tito at tita ko, pati mga pinsan ko na mas nakababata sa akin. Hindi ko sila masisi pero hindi ko rin maiwasan magtanong na bakit ba kasi ako ang paborito ng lahat? Bakit ba sobrang minahal ako ng lolo at lola ko pati ng mga tito at tita ko. Na, nang mangyari tuloy to, lahat sila ay parang kasama ng magulang kong nalugi at gumuho ang mga pangarap. Naiinis ako kasi lumaki akong matataas ang expectations nila sa akin. Naisip ko, maging suwail kang anak o mabuti, lahat may masamang kapalit. Ngayon tuloy, paulit ulit nila ako tinatanong kung bakit nga ba nagawa ko ang bagay na yun.
Alam ko ang pagkakamali ko. Alam ko kung gaano ako kasama sa paningin ng lahat. Kung gaano nila ako inidolo noon, ganun din ang pagkasuya nila sa nagawa ko. Ako, na ang tingin nila hanggang makagraduate ako ng college ay isang musmos pa din. Ako, na parang sa paningin nilang lahat noon ay bata pa at walang kaalam alam sa buhay. Ako, na ignorante pa sa mundo. Sa isang pagkakamali ay nagging disgrasyadang babae at suwail na anak, apo, pinsan at pamangkin. Sobrang hirap tanggapin para sa kanila. Kahit ako man ang nasa kalagayan nila, ganun din ang aking nararamdaman. Habang sinesrmunan ako, hinihintay ko na lang na matapos na. Pinapakinggan ko lang lahat ng sinasabi nila at hinihiling na sana, matapos na ko sa ganung stage ng buhay ko.
Si tatay, noon ko lang siya nakitang umiyak. Dahil sa akin. Dahil sa awa niya kay papa at mama. At dahil nawala rin ang pangarap niya sa paborito niya at pinakamamahal na apo.
Pinagusapan namin nung oras na yun kung anong mga plano ko, kung paano ako mabubuhay, kung pananagutan ba ako, kung handa bang humarap ang pamilya ni Ading. Kumalmma rin naman ng bahagya ang sitwasyon dahil sa dalawang tita ko. Pinapagaan nila ang loob ng lolo at lola ko na, hindi naman ito ang huli, na maaga lang akong magaasawa at maagang mahihirapan sa buhay dahil magiging ina na agad ako. Mabuti na lang at nandun sila. Kahit papano, gumagaan ang sitwasyon. Si mama, walang sinabing maganda at lahat ay pagalit pa din. Wala sa bahay si papa dahil ayaw niya akong makita.
Nang humaba na ang usapan. Ganito ang pagkakaintindi nila sa sitwasyon ko. Ganito ang mga salita ni mama.
Mama: “Oh, ayaw naman pala nilang dalawa magpakasal, at hindi pa daw sila handa. Edi ano pa, edi magiging dalagang ina yan. Kung ako lang, gusto ko dun na yan kina John Donn dahil pananagutan naman daw nila yan.”
Tatay: “Bakit naman ganun? Kung ako lang, ayoko yan doon. Aba, bata pa yang apo ko. Paano kung pahirapan nila yan doon at hindi alagaan? Eh wala naman yan kaalam alam pa sa buhay. Hindi marunong magluto o maglaba. Kung ako lang, hindi ako papayag.”
Mama: “Hay nako, Kayong bahala, basta ako ayoko yan ditto. At ano? Ako pang ang magaalaga jan? Eh si Arnel pa, ayaw yan makita.”
Tatay: “Oh, edi kung ayaw ninyo, sa amin yan ng inay mo. Kung may trabaho nga kami at may pera, kami kami na lang tatlo ang mamumuhay. Kami na ang magaalaga dyan. Sa amin na lang yan kesa doon pa sa boy friend niyan.”
Tita Nene: “Kung gusto mo, ampunin ko na yang anak mo, Kristel. Sagot ko na lahat ng check up niyan at panganganak mo.”
Ninang Vilma: “Naku, tingnan naten kung ibibigay niyan ang anak niya pag nakapanganak yan. Siguradong hindi niya yan ipapamigay.”
Tatay: “Ano, sa amin na lamang yan at sabihin na lang doon kay John Donn na, sustentuhan yan.”
Mama: “Oh ano, Kristel. Payag ka. Dun ka na muna sa Lipa hanggang makapanganak ka. Hindi na muna kayo magkikita?”
Medyo mahaba pa ang mga napagusapan pero ito ang mga natatandaan ko at mga huling parte ng paguusap nila. Nakinig lang ako sa lahat ng yun at sa isip ko, sobrang natatouch ako sa kanila. Si mama kasi, ang pahiwatig niya sa lahat ng mga sinabi niya ay tinatakwil na niya ako. Pero sina tatay, handa silang akuin ako. Na dun muna ko sa Lipa. Na, alangan naman na itapon daw nila ako eh apo nila ako. Pero nung sinabi ni mama na, dun muna ko sa Lipa at hindi na muna kami magkikita ni Jong, kailangan ko na magsalita. Ito ang pinakamahabang sinabi ko sa kanila.
Tel (habang umiiyak): “Ano? Bakit naman hindi pwedeng magkita?”
Mama (bahagyang tumawa pati si ninang): “Oh, hindi naman pala pwedeng hindi magkikita eh.
Tel: “Ma, ang sabi ko lang naman ay hindi pa kami handing magpakasal. Hindi ko naman sinabing, hindi ako handing ikasal at ayokong siya ang pakasalan ko. Siyempre sa ngayon, hindi ayaw pa naming dahil bata pa kami, hindi pa kami handa. Pangalawa, gusto ko muna makahanap kami pareho ng trabaho dahil mahirap maghanap ng trabaho pag kasal na. Pero pag nakaipon na kami at handa na, magpapakasal din kami. Tapos sasabihin niyong hindi kami pwede magkita hanggang makapanganak ako? Bakit? Eh diba siya ang tatay ng baby ko? Diba responsibilidad naming dalawa ito? Gusto ko harapin naming to magkasama. Siya dapat ang kaalalay ko habang nagbubuntis ako. Gusto ko buo pa din kami at nakikita niya yung baby namin kahit nasa tiyan ko pa lang siya. Paano kung hindi kami magkikita? Paano kung sa mga oras nay un, may Makita siyang iba? Kaya nga kung ako lang, gusto ko doon ako sa kanila. Dahil siyempre ayoko ngang iwan ako ng tatay ng anak ko eh. Kaya nga gusto kong bumuo ng relasyon sa pamilya niya para hindi nila ako iwan. Para mapatunayan namen na kami pa din. Ayokong hindi mabuo ang pamilya naming kaya pipilitin kong kami pa din sa huli para sa anak namin.”
Umiyak bigla si Tatay at Inay at teary eyes naman ang dalawa kong ninang. Di ko nakita si mama dahil di ako tumitingin sa kanya.
Ninang: “Oh, yun naman pala eh, gusto naman pala niya happy family.”
Tatay (habang umiiyak): “Ako, naiintindihan ko si Lala. Siyempre gusto niyang kasama niya ang ama ng anak niya.”
Ninang: “Yun pala eh, may plano naman pala silang magpakasal, hindi lang sa ngayon. Akala naming ay sustento lang at hindi pa kayo sigurado kung kayo na nga sa huli. Mabuti at sinabi mo naman ang nararamdaman mo. Edi nalinawan kami kahit papaano sa plano niyo.”
Hayyy. Hagulgol lang ako pagkatapos ng mga sinabi ko. Maya maya, kumalma na ang lahat maliban kay inay dahil alam kong matagal pa bago siya makarecover. Sinabi k okay tatay noon mismo na, sasama na muna ako sa Lipa. Kesa naman nasa bahay ako at nahihirapan lang kami pare pareho nina papa at mama dahil ayaw nila ako makita. Pumayag naman sila at isinama ako hanggang sa dumating ang araw ng paguusap ng pamilya ko at pamilya ni Jong.